Utak at Itak

Matagal-tagal na ring nagsesebo ang utak ko matapos kong pagpasyahang di na muna sumulat. Minabuti kong manahimik, di dahil takot akong matokhang o bulabugin ng isang pulutong na mga panatiko at ng kanilang mga samu’t sari at makukulay na paliwanag sa napakaraming bagay. Wala naman kasi akong panahong makipagdebate. Sayang lang ang oras na pwede ko namang ilaan sa pagtunganga, paghilata at pana-panahong paglamon.

brainPero iba ang panahon ngayon. Malamig, sinlamig ng mga bangkay na naaagnas sa mga liblib na damuhan sa iba’t ibang parte ng bansa. Araw-araw, sa telebisyon, sa dyaryo, sa balita mula sa mga drayber at mga barbero, me nilalangaw at tinatakpan ng dyaryo. Di lang isa, bultuhan, halos lahat, mahihirap. Di lang isang tama ng bala, maramihan; kung minsan, bakas pa ang mga marka ng hirap na dinanas bago pa tuluyang malagutan ng hininga.

Sa halip na lalo pang magsebo dala ng napakalamig na panahon, parang nasa tsubibo ang utak ko. Walang tigil sa pag-ikot, tuluy-tuloy sa paglilikot. Kaya di ko rin maiwasang malula, katulad ng pagkalula ng mga simpleng mamamayan sa tila walang patumanggang pagtaas ng presyo ng bilihin at pagtaas ng singil sa mga serbisyo publiko. Sila, na sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sumasandig na lamang sa dasal para kahit papaano’y maampat ang kalam ng sikmura. Sila, na ang tanging naging kasalanan ay maniwala sa  pinangakong magiging hayahay ang buhay. Silang mahihirap, na lalo pang humihirap. Mahirap maging mahirap sa Pilipinas, nakamamatay.

Malamig ang panahon ngayon, pero madalas, mahirap ding maiwasang ang pag-iinit ng ulo. Di naman talaga ako high-blood, pero sa panahon ng pagpapahinga, mukha pa ng mga pulitikong nagmamaganda ang laging bumabalandra, sambit ang mga pangakong matagal ng napako. Kung totoo ang mga pinagsasasabi nila, wala sanang Pilipino ngayon ang nagtitiis na mamaluktot dahil sa maiiksing kumot. Isa lamang sa kanila ang matapang na sumasagot sa matagal nang palaisipan – mayaman ang Pilipinas, pero bakit naghihirap ang sambayanang Pilipino?

Matagal-tagal na ring nagsesebo ang utak ko. Panahon na rin siguro na bulabugin ito mula sa malalim na pagkakahimbing dahil katulad ng itak, nakakasugat din ang utak.

 

Image from:

http://www.theindependentbd.com/arcprint/details/97966/2017-06-06

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s